Napupusuan daw ng anak ni Mars Ravelo ang Kapamilya actor na si Daniel Padilla bagong "Captain Barbell" kung sakaling muli itong gagawan ng remake, ayon sa isinagawang media conference sa pagtatapos ng "Mars Ravelo's Darna: The TV Seies" na pinagbibidahan ni Jane De Leon.
Ayon umano kay Roberta Ravelo, sana raw ay patuloy pang isabuhay ng ABS-CBN ang mga iconic comic book ng kaniyang yumaong amang cartoonist, lalo na ang "Captain Barbell."
Bet niya umano ang King of Hearts na si DJ na siyang bagong Captain Barbell.
Ang sumikat na Captain Barbell ay si Kapamilya actor Richard Gutierrez noong nasa Kapuso Network pa ito. Sa ngayon ay umeere ang "The Iron Heart" niya sa Primetime ng ABS-CBN.
Samantala, si Janella Salvador naman ang napipisil niyang maging Dyesebel, na ginampanan naman ni Anne Curtis noong 2014.
Umaasam din si Ravelo na sana ay magawan din ng remake ang "Lastikman" na ginampanan na sa pelikula nina Vic Sotto at Vhong Navarro.