Magkakaroon ng katamtamang pag-ulan sa mga lugar sa Luzon at Visayas ngayong Huwebes, Pebrero 2, dahil sa northeast monsoon o amihan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, magiging maulap na may katamtamang pag-ulan sa mga bahagi ng Luzon, kabilang na ang Metro Manila, maging sa Visayas dahil sa amihan.

May kaulapan din na may kasamang panaka-nakang ulan o thunderstorms ang mararanasan sa Mindanao bunsod ng localized thunderstorms.

Bagama’t walang inaasahang malaking epekto sa Luzon at Visayas, pinag-iingat ng PAGASA ang mga lugar sa Mindanao sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malakas na thunderstorms.