Dalawang mapalad na mananaya ng lotto ang maghahati sa tumataginting na ₱73.4 milyong jackpot prize ng MegaLotto 6/45 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Miyerkules ng gabi, Pebrero 1, 2023.
Sa abiso ng PCSO, nabatid na matagumpay na nahulaan ng mga lucky winners ang six-digit winning combination ng MegaLotto 6/45 na 37-29-42-21-27-05 na may katumbas na premyong ₱73,481,247.20.
Nabili umano ng mga lucky bettors ang kanilang lucky tickets sa La Carlota City sa Negros Occidental at Brgy. Pinagkaisahan, Makati City.
Pinayuhan naman ng PCSO ang mga lotto winners na upang makubra ang kanilang premyo ay magtungo lamang sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanilang winning tickets at dalawang balidong IDs.
Ito na ang ikalawang sunod na araw na napanalunan ang jackpot prize ng lotto games ng PCSO ngayong buwan ng Pebrero.
Matatandaang noong Pebrero 1 lamang, isang masuwerteng mananaya mula sa Pateros ang nakapag-uwi ng P25.4 milyong jackpot prize ng Lotto 6/42 na may six-digit winning combination na 31-41-29-25-20-08.
Samantala, hindi naman napanalunan ang mahigit P29 milyong jackpot prize sa Grand Lotto 6/55 na may winning combination na 40-08-45-06-23-41 kaya’t inaasahang tataas pa ang papremyo nito sa susunod na bola.
Ang GrandLotto 6/55 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado habang ang MegaLotto 6/45 ay may draw tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes. Tuwing Martes, Huwebes at Linggo naman ang bola ng Lotto 6/42.