Tapos na ang "mahabang" buwan ng Enero at pumasok na ang buwan ng Pebrero. Ano-anong mga "ganap" ang aasahan ngayong pangalawang buwan ng 2023?

Siyempre, ang unang-unang papasok sa isipan ng lahat, ang buwan ng Pebrero ay buwan ng 'Feb-ibig." Tuwing Pebrero 14 ay ipinagdiriwang ng lahat ang "Araw ng mga Puso" o Valentine's Day. Ang araw na ito ay hindi lamang sa pag-ibig sa jowa kundi maging pag-ibig sa pamilya, kaibigan, kakilala, o iba pang "significant others" sa ating buhay. Pero biro ng mga single, katumbas daw ito ng "Happy Independence Day!"

May jowa man o wala, wala namang masama at mawawala kung i-celebrate ito, 'di ba?

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Larawan mula sa Manila Bulletin

Sumunod, ang Pebrero ay itinuturing ding "Pambansang Buwan ng mga Sining" o National Arts Month ng National Commission for Culture and the Arts o NCCA.

Sa kanilang opisyal na Facebook page, binuksan ng Kapamilya singer na si KZ Tandingan ang pagsisimula ng pagdiriwang ng buwan, bilang NCCA Music Ambassador.

"Ang buwan ng Pebrero ay Buwan ng mga Sining alinsunod sa Proklamasyon Bilang 683 na nilagdaan noong 1991. Ngayong taon, ang Buwan ng mga Sining o National Arts Month ay ipinagdiriwang sa temang 'Ani ng Sining, Bunga ng Galing' bilang pagkilala sa natatanging talento ng mga Pilipino sa larangan ng malikhaing ekspresiyon, gayundin sa kakayahan ng mga sining na magbigay lakas at kagalingan, at maghatid ng pag-asa sa harap ng mga hamon ng makabagong panahon," ayon sa pahayag ng NCCA.

Sa isa pang Facebook post, sinabi ng NCCA na abangan ang kanilang mga nakalinyang gawain kaugnay ng buong buwang pagdiriwang, online man o face-to-face.

"Join us in the month-long celebration of artistic excellence, diverse cultural expressions, and the bountiful harvest from the Filipino imagination as we banner the theme "Ani ng Sining, Bunga ng Galing" for #NAM2023!"

"Stay tuned for online and face-to-face activities in the seven arts spread throughout the months of February and March!

Halina't maki-Sining!"

At siyempre, sa Pebrero 25 naman ay gugunitain ang "EDSA People Power I" na naging dahilan upang bumaba sa puwesto si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. matapos ang ilang taong panunungkulan at pagwawakas naman ng Batas Militar. Siya ang ama ng kasalukuyang pangulong si Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.

Larawan mula sa Manila Bulletin

Wala pang inilalatag ang Palasyo kung ano-anong mga gawain ang isasagawa para dito, subalit maaari namang panoorin ang mga pelikulang tumatalakay sa kontrobersiyal na panahong ito, gaya ng "Dekada '70," "Bata, Bata Paano Ka Ginawa," "Maid in Malacañang," "Katips," at iba pa.

Inaabangan na rin ng mga manonood ang salpukan sa takilya ng "Martyr or Murderer," "Oras De Peligro", at "Ako si Ninoy."

Kung masyadong mahaba ang Enero para sa iyo, huwag kang mag-alala, dahil Pebrero naman ang pinakamaiksi dahil hanggang 28 lamang ito.