Iniulat ng Commission on Elections (Comelec) nitong Miyerkules na pumalo na sa mahigit 2.4 milyon ang kabuuang bilang ng mga botanteng nagparehistro para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) habang nakapagtala rin naman ang poll body ng high voter registration turnout sa huling araw ng voter registration nitong Martes, Enero 31, 2023.

Sa paunang datos na inilabas ng Comelec, nabatid na mula Disyembre 12, 2022, na siyang unang araw ng pagpaparehistro, hanggang alas-11:20 ng umaga ng Pebrero 1, 2023, ay nakapagtala na sila ng kabuuang 2,445,573 registrants.

Sa naturang bilang, 2,436,594 ang dumaan sa regular registration habang 8,979 naman ang nagparehistro sa ilalim ng Register Anywhere Project (RAP).

Nasa 1,446,715 naman ang mga bagong botante, kabilang ang 1,441,830 na dumaan sa regular na registration at 4,885 na nagparehistro sa RAP.

Nilinaw naman ni Atty. John Rex Laudiangco, tagapagsalita ng Comelec, na partial data pa lamang ito ng voter registration at inaasahang madaragdagan pa ito sa sandaling mailabas na nila ang full update dito.

“Partial Data on Voter’s Registration. Kindly await for the full update po,” ani Laudiangco, sa isang viber message.

Samantala, iniulat din naman niya na nakapagtala sila ng high voter registration turnout sa huling araw ng rehistruhan, na mayroong average na 600 aplikante kada registration site.

Ani Laudiangco, nag-deploy ang poll body deployed ng monitoring teams sa lahat ng registration sites sa National Capital Region (NCR) at ilang piling lokalidad sa mga kalapit na lalawigan ng Cavite at Bulacan.

“As of closing time at 5:00 P.M. of 31 January 2023, reports from the ground show a high registration turnout with an average of 600 applications per registration site received thus far,” ani Laudiangco sa isang pahayag.

Nabatid na binisita rin naman nina Comelec Chairman George Erwin Garcia, at Commissioners Socorro Inting, Rey E. Bulay, at Ernesto Ferdinand Maceda Jr., ang ilang registration sites sa NCR, Cavite, at Bulacan habang sina Commissioners Marlon Casquejo, Aimee Ferolino, at Nelson Celis naman ang nag-obserba at nagmonitor sa registration sites mga lalawigan sa Mindanao, upang mag-obserba at mangalap ng feedback mula sa mga personnel ng Comelec at publiko hinggil sa kanilang mga naging karanasan sa huling araw ng pagpaparehistro.

Sinabi pa ni Laudiangco na karamihan sa mga registration sites sa NCR ay inilipat na sa mga venues sa loob ng kanilang mga partner malls para maging mas accessible at kumbinyete sa publiko at dahil karamihan rin aniya ng mga Offices of the Election Officers (OEOs) ay walang sapat na office spaces upang ma- accommodate ang pagdagsa ng mga registrants.

Tiniyak rin ni Laudiangco na ang lahat ng registrants na pumila ng alas-3:00 ng hapon hanggang alas-5:00 ng hapon ay na-accommodate, alinsunod na rin sa COMELEC Resolution No. 10868 at 30 January 2023 Memorandum of the Election and Barangay Affairs Department (EBAD) na inaprubahan ni Garcia.

“In spite of the high influx of registrants, lines were manageable, and queuing was smooth, with zero untoward incidents reported,” ulat pa ni Laudiangco.

Pinasalamatan rin naman ni Laudiangco ang kanilang mga partner malls at iba pang ahensiya ng pamahalaan sa pagtulong sa kanila at pagtiyak na magiging maayos at ligtas ang lahat ng lumahok sa proseso ng pagrerehistro.