Gagawa na ng paraan ang pamahalaan upang matugunan ang problema ng mga magsasaka sa oversupply ng kamatis sa Nueva Vizcaya at Nueva Ecija, ayon sa pahayag ng Malacañang nitong Miyerkules.
Paliwanag ng Presidential Communications Office, nasa ₱4 hanggang ₱12 na lamang kada kilo ang kamatis sa Nueva Vizcaya at Nueva Ecija.
Itinatapon na ng mga magsasaka ang kanilang produktong nabubulok na dulot ng oversupply.
Sa pahayag ng mga magsasaka, dati ay naglalaro sa ₱20 hanggang ₱25 bawat kilo nito. Gayunman, bumagsak na ang presyo nito dahil sa oversupply.
Tiniyak naman ng Department of Agriculture (DA) na gagawa sila ng paraan upang matulungan ang mga magsasaka.
Idinagdag pa ng ahensya na bibilhin ng mga institutional buyer ang ani ng mga ito upang hindi sila malugi.