Hinikayat ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga business establishment owners sa lungsod na magsimula nang tumanggap ng mga e-health permits.

Ayon kay Lacuna, bagamat marami na ring mga establisimyento sa ngayon ang tumatanggap na ng e-permits, mayroon pa rin namang tumatanggi dito.

“While tanggap na sa karamihan ng agencies or establishments, meron pa ring mga ahensiya na di pa ho talaga open sa e-permit or e-OR (official receipt). ‘Yan na nga sana dapat ngayon kasi mas napapadali natin ang transaksyon natin, nagiging business friendly po tayo diyan,” pahayag pa ng alkalde, nitong Miyerkules.

Sinabi pa ni Lacuna na ang mga aplikante para sa e-health permits ay nagsimula nang makakuha ng naturang dokumento simula noong Enero, bilang requirement para sa pagtatrabaho sa iba’t ibang establisimyento.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Anang alkalde, ang mga kailangang kumuha ng health certificates ay maaaring magtungo sa GoManila app at mag-schedule ng appointment bago magtungo sa Rasac upang mag-aplay, dahil dito matatagpuan ang temporary health facilities ng public health laboratory ng lungsod.

Aniya pa, kailangan ring magdala ang aplikante ng 1x1 format picture at ng sample ng kanyang stool; mag-fill out ng drug test form at magprisinta ng balidong ID na may larawan.

Ipinaliwanag ni Lacuna na ang puti at berdeng cards ay para sa food handlers, sa mga nagtatrabaho sa mga restaurants, vendors at non-food handlers habang ang mga pink cards naman ay para sa mga indibidwal na nagtatrabaho sa larangan ng entertainment, spa, at iba pa.

Ang requirements ay chest x-ray sa alinmang DOH-accredited facility, pribado man o pampubliko; drug testing at stool at urine samples. Para sa pink cards naman, nangangailangan rin ng RPR na para sa sexually-transmitted diseases / at Gram stain.

Sinabi pa ni Lacuna na kailangan ding siguruhin ng aplikante na sumailalim sila sa picture-taking at biometrics bago umuwi.

Matapos ito, kailangan na lamang umano ng mga aplikante na maghintay ng dalawa hanggang tatlong araw upang matanggap ang text message para sa resulta.

Sa sandaling matanggap ng text, kailangang maghintay ng hanggang dalawang araw upang mai- download o i-print ang kanilang e-health permit, sa pamamagitan ng GoManila app.