“Baka kailangan ako ng mga Pilipino.”
Ito ang naging tugon ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire hinggil sa katanungan kung handa na ba siya, sakaling maitalaga bilang susunod na kalihim ng DOH.
Bagamat aminadong mayroon pa rin siyang mga hesitasyon, sinabi ni Vergeire na sa kanyang tingin ay handa na siyang maging DOH secretary, base na rin sa mahigit anim na buwang panunungkulan bilang OIC ng departamento.
“Right now, I think based from these six months or more, I am ready. But the hesitancies are there, but sa tingin ko, baka kailangan ako ng Pilipino,” aniya, sa panayam sa telebisyon.
Una nang itinalaga ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. si Vergeire bilang OIC ng DOH noong Hulyo 2022.
Dati na rin namang sinabi ni Vergeire na may mga reserbasyon siya hinggil sa posibilidad na maitalaga bilang kalihim ng DOH, dahil nais umano niyang patuloy na magsilbi sa publiko, hanggang sa siya ay magretiro.Ipinauubaya rin naman ni Vergeire sa pangulo ang desisyon kung itatalaga siyang kalihim ng DOH o hindi.