Eksklusibong nakapanayam ng Balita Online ang businesswoman at social media personality na si Rosemarie Tan Pamulaklakin o mas kilala bilang “Rosmar” patungkol sa nalalapit na “Rosmar Mas Pinalakas” concert na magaganap sa Araneta Coliseum sa darating na Pebrero 27.

Sa pambihirang pagkakataon, napagsama-sama ni Rosmar ang mga naglalakihang bandang December Avenue, Spongecola, Itchyworms, at Rivermaya.

“Namili ako ng talagang pang-malakasang banda na pagsasama-samahin sa araw na ‘yun para ma-relax yung mga distributors ko,” aniya. Para sa kanya, mas maraming banda, mas bongga.

Bukod naman sa solid na line up, kaabang-abang din ang isang milyong pisong ipapamigay sa masuwerteng audience ng nasabing concert.

National

Malacañang, iginiit na ‘di surveys batayan ng ‘effective public service’

“Kahit na yung user, reseller, distributor ko, mga ganun, kahit simpleng tao lang, kahit user lang ng Rosmar product, sa araw na ‘yun pwede mag-uwi ng milyon, lahad ng CEO ng Rosmar brand.

Hindi ibinigay ni Rosmar ang eksaktong detalye kung paano mapapanalunan ang nasabing pa-premyo dahil iniiwasan niya umano na gayahin siya ng ibang brands at sa huli siya pa ang magmumukhang nanggaya. Ayon sa kanya, siya lang din mismo ang gumagawa ng mga pakulo at marketing strategies para sa kanyang mga produkto.

“Hindi ko kasi puwedeng sabihin kung ano mismo, kung pa-games, kung paano nila makukuha yung milyon kasi merong kasing ibang brand na ginagaya yung marketing strategies ko kapag ni-reveal ko kaagad kaya gusto ko magawa ko muna. Kaya ngayon never na akong nagpo-post ng idea kasi nauunahan ako once na pinost ko, parang pa-excite, ganyan. Ang nangyayari inuunahan ako at ang nangyayari, ako nagmumukhang gaya-gaya kasi nauunahan nga ako. So ayun yung pinaka-climax ‘dun, na kahit user lang ng Rosmar product, pwede mag-uwi ng milyon-milyon,” paliwanag niya.

Nakilala si Rosmar dahil sa kanyang mga kakaibang paandar sa pagbebenta ng kanyang mga produkto sa social media. Pinauso niya ang pamimigay ng pera o hindi kaya’y iPhone sa mga piling orders mula sa kanya. Tila dismayado naman ang ilan dahil di umano’y pawang “gimmick” lang at wala naman talagang karagdagang bonus na pera o cellphone ang mga orders nang matanggap ito ng mga buyers.

“Totoo yung pinamimigay kong pera, mga ganyan, totoo lahat ‘yun. Kumbaga minsan sinasabi lang sinasabing peke nung mga hindi nakakatanggap, kasi siyempre, as business diba parang bonus mo lang ‘yun sa taong sumusuporta sa plan mo, pero hindi naman para lahat bigyan mo. Kaso nga lang yung iba kasi talaga nag-eexpect na lahat sila makakakuha ng iPhone, makakakuha ng ganito tapos kapag hindi naka-tanggap automatic magagalit na, kasi yung ibang buyer minsan sa TikTok is mga bata,” dipensa ni Rosmar.

Bagama’t maraming bumabatikos sa kanya, positibong tinatanggap ni Rosmar ang mga bashers.

“Ang mga bashers kasi sila yung stepping stone ko para makamit ‘yung tagumpay. Sabi nga nila, ‘more bashers, more blessings.’ Kumbaga yung mga bashers ko kasi, sila yung humahamon sa’kin para maging better araw-araw kasi kung wala sila, walang magcha-challenge sa’kin. Kung wala sila, hindi ako lalong magpu-push na mas galingan pa, para maging ‘inggit-pikit’ diba? ‘Yun nga ‘yung lagi kong motto sa kanila. Hindi ako nagpapa-apekto kasi hindi naman sila ‘yung nagpapakain sa’kin, nagpaaral sa’kin, or bumubuhay sa’kin so wala silang ambag sa buhay ko at ang success ko kasi ‘yun ‘yung lalong magti-trigger sa kanila para mainis kaya ‘yun nga — ‘inggit-pikit.’”

Rosmar Tan Pamulaklakin

Nang tanungin naman ang ito tungkol sa kumakalat na “Rosmar Kagayaku” memes na kumakalat online, sinabi niyang okay lang sa kanya dahil aniya, “positive or negative is still publicity.” Dagdag pa niya na di naman daw siya pikunin bilang tao.

Sa huli, nagpapasalamat si Rosmar sa kaniyang mga taga-suporta at dahil umano sa mga ito ay nakatutulong din siya sa iba na isa raw sa mga dahilan kung bakit siya nagtatag ng sarili niyang brand.

“Gusto ko maging blessing sa mga tao sa paligid ko, gusto ko maging blessing kahit sa mga taong humihila sa’kin pababa, gusto kong patunayan sa kanila na hindi ako ‘yung Rosmar na nakikita nila sa social media na patola, mapang-asar. Ako ‘yung Rosmar na matulungin, mapagbigay, at mapagmahal,” aniya.

Kagaya ng nakaraang Christmas party nila Rosmar, magkakaroon din live streaming ang nasabing concert para sa mga hindi makakanood ng live sa mismong venue nito.