Ipinag-utos ni Manila Mayor Honey Lacuna ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon sa naganap na pagsabog sa isang laundry shop sa Malate, Manila, nitong Lunes ng gabi, na nagresulta sa pagkasugat ng may 16 na katao.
Nabatid na inatasan rin ni Lacuna si Bureau of Permits chief Levi Facundo na tingnan ang business permit na inisyu ng Manila City government sa 360 Wash Laundry Shop, kung saan naganap ang pagsabog, na nagresulta rin sa pagsiklab ng sunog doon.
Ayon kay Lacuna, hindi niya iniaalis ang posibilidad na maaaring nagkaroon ng paglabag ang naturang establisimyento sa mga regulasyong itinatakda para sa operasyon nito.
Sa ulat ni Manila Police District (MPD) Director PBGen. Andre Dizon, na kaagad na nagtungo sa lugar nang pagsabog, kay Lacuna, nabatid na posibleng gas leak ang naging dahilan ng pagsabog, na naganap dakong alas- 7:20 ng gabi, sa loob ng naturang laundry shop, na matatagpuan sa MAC TORRE Residence, sa 2223 F. Reyes St., kanto ng Noli St. sa Malate.
Wala namang nasawi sa insidente at kaagad ring naapula ang apoy dakong alas-7:34 ng gabi, sa tulong ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP).