Bumulusok sa 1.7% na lamang ang seven-day positivity rate ng bansa sa Covid-19.
Ito ang iniulat ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David, base na rin sa datos ng Department of Health (DOH), na ibinahagi niya sa kanyang Twitter account nitong Lunes ng gabi.
Ayon kay David, nitong Enero 30, 2023 ay nakapagtala na lamang ang DOH ng 1.7% na nationwide Covid-19 positivity rate, na mas mababa kumpara sa 2.3% na naitala noong Enero 29, 2023 lamang.
Ang positivity rate ay ang porsiyento ng mga pasyenteng nagpopositibo sa Covid-19 mula sa kabuuang bilang ng mga taong isinailalim sa pagsusuri.
Samantala, iniulat rin ni David na nakapagtala rin ang DOH ng 259 bagong kaso ng sakit noong Enero 30, 2023, sanhi upang umabot na sa 4,073,216 ang total Covid-19 cases sa bansa.
Sa naturang bilang, 9,952 na lamang ang itinuturing na aktibong kaso o nagpapagaling pa sa karamdaman.
Mayroon namang walong pasyente, kabilang ang dalawang mula sa National Capital Region (NCR), ang sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa sakit, kaya’t umabot na sa 65,775 ang total Covid-19 deaths ng bansa.
Umaabot naman na sa 3,997,489 ang total Covid-19 recoveries sa Pilipinas, matapos na makapagtala pa ng karagdagang 327 pasyenteng gumaling mula sa karamdaman.
Kaugnay nito, sa pagtaya ni David, maaaring makapagtala na lamang ng mula 75 hanggang 150 bagong kaso ng Covid-19 ang bansa nitong Martes, Enero 31, 2023.
“Jan 30 2023 DOH reported 259 new cases 8 deaths (2 in NCR) 327 recoveries 9952 active cases. 1.7% nationwide positivity rate. 70 cases in NCR. Projecting 75-150 new cases on 1.31.23,” tweet pa ni David.