Nagmartsa muli para sa panawagang kapayapaan at hustisya ang Malaya Lolas, grupo ng mga lola na naging “comfort women” ng mga Hapon noong World War II, nitong Martes, Enero 31, sa harap ng Japanese Embassy sa Roxas Boulevard, Pasay City.

Sinamahan ang mga ito ng Lila Pilipina-Gabriela at ng support group na Flowers for Lolas Campaign at Salinlahi.

Hinihiling ng nasabing grupo na kilalanin ang dinanas nilang pagpapahirap ng mga Hapon at mapagbayaran ng mga ito ang kanilang kasalanan. Pinananawagan nilang gawin ng Japan ang mga kinakailangang aksyon tungo sa isang makatarungan at matagal nang nakatakdang resolusyon hinggil sa isyu ng “comfort women” sa Fourth Cycle ng United Nations Universal Periodic Review of Human Rights.

Ayon sa mga ulat, nang sakupin ng mga Hapon ang Pilipinas mula 1942 hanggang 1945, ang mga kababaihan na tinawag na “comfort women” ay sapilitang isinilid sa isang bahay para doon pagsamantalahan.

Ang nasabing bahay ay tinawag na “Bahay na Pula” na tinuring bilang isang historic monument at isang pagpapaalala sa malagim na dinanas ng bansa sa panahon ng pananakop.

Hanggang ngayon ay matatagpuan pa ring nakatayo ang Bahay na Pula sa San Ildefonso, Bulacan.