Inanunsyo ng Cultural Heritage Preservation Office (CHPO) Tayabas City nitong Lunes, Enero 30, na sinira ang ilang bahagi ng makasaysayang tulay ng Malagonlong sa Tayabas City, Quezon.
Sa Facebook post nito, sinabi ng CHPO na kasalukuyan silang nagsasagawa ng imbestigasyon kasama ang PNP-Tayabas at City Engineering Office hinggil sa nasabing insidente.
Nanawagan din ito sa publiko na ipagbigay-alam agad sa kanilang tanggapan ang anumang impormasyon tungkol sa sinumang responsable sa pagkasira ng makasaysayang tulay.
Ang Malagonlong bridge ay itinayo noong panahon pa ng mga Espanyol sa pagitan ng taong 1840 at 1850. Isa ito sa tinuring na pinakamatanda at pinakamahabang tulay dahil sa haba nitong 445 ft.
Noong Agosto 12, 2011, idineklara ang nasabing tulay bilang isa sa mga National Cultural Treasure ng bansa.