Binalaan ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa pagkain ng mas murang frozen eggs na mabili ngayon sa mga merkado, bunsod na rin ng tumataas na presyo ng mga itlog.
“Ang itlog kapag na-subject sa extremes of temperature maaari po siyang mag-breed ng mga organismo na maaaring makasama sa ating katawan, may mga specific na bacteria na easily nako-contaminate niya ang itlog,” ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, nitong Martes.
“Kaya kami po ay nagbibigay ng abiso at ng guidance para po sa ating mga kababayan, itong pong mga fine-freeze na mga itlog maaari pong makasama sa inyong health,” aniya pa.
Ipinaliwanag ni Vergeire na hindi naman lahat ng itlog ay makokontamina kapag frozen ang mga ito, ngunit naroon pa rin aniya ang panganib ng kontaminasyon.
“So, iwasan po natin ano, let us sell these fresh eggs para po ‘yun pong kinakain ng ating kababayan ay maging healthy pa rin,” aniya pa.
Sa isang pahayag, sinabi naman ng DOH na ang mga frozen eggs ay maaaring kontaminado ng Salmonella at E. coli bacteria, na maaaring magdulot ng food poisoning.
“Frozen eggs can be a source of contamination and eventually cause food poisoning since raw foods are suitable for the growth of Salmonella bacterium and Escherichia coli (abbreviated as E. coli),” anang DOH.
“These bacteria are known to cause infection, diarrhea (which can be severe and bloody), stomach pains, fever, nausea and vomiting,” anito pa.
Hinikayat din naman ng DOH ang publiko na tiyaking maayos ang kanilang food handling practices upang maiwasan ang kontaminasyon.
Payo pa ng DOH, sa pagbili ng mga itlog, dapat na suriin muna itong mabuti at tiyaking malinis, walang lamat, at walang mabahong amoy.
Dapat ding lutuing mabuti ang itlog bago ito kainin.
Una nang napaulat na mabili ngayon ang mga frozen eggs sa mga pamilihan dahil mas mura ito kumpara sa mga sariwang itlog.