Marami ang humanga sa painting ng artist na si Jarren Dahan, 25, mula sa Makilala, North Cotabato, tampok ang larawan ng kaniyang mga magulang na magsasaka.

Sa panayam ng Balita Online, ibinahagi ni Dahan na 65 taong gulang na raw ang kanyang ama at ina, at lima silang magkakapatid.

Ipininta raw niya ang kaniyang mga magulang bilang pasasalamat sa sipag at tiyaga nila para mapalaki silang mga anak nang maayos.

“Maraming salamat sa lahat ng inyong pagsusumikap para sa amin. Nawa’y bigyan pa kayo ng malusog at mahabang buhay upang makabawi naman ako sa inyo balang araw,” mensahe ni Dahan sa kaniyang mga magulang.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Mahigit isang buwan daw ang ginugol ni Dahan bago matapos ang nasabing painting. Mabusisi raw talaga ang istilo ng “hyperrealism” dahil kailangan mo talagang gawin itong tila makatotohanan. Sa kabila nito, paborito raw ni niya ang ganitong istilo ng paglikha.

Umabot na sa mahigit 2,600 reactions at 133 shares ang kaniyang post sa Facebook group na ‘Kalma, Artist Tayo’.

Ayon kay Dahan, ang mga paghangang natatanggap niya ay nagbibigay rin ng inspirasyon sa kaniyang magpatuloy sa pagpinta.

Nakabebenta na rin daw siya ng kaniyang mga obra na siyang ginagamit din niya upang masuklian ang lahat ng sakripisyo ng kaniyang mga magulang para sa ikabubuti ng kaniyang buhay.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!