Habang naghahanap ng bagong fur parent para sa kanila, kinupkop na nitong Martes, Enero 31, ng Animal Kingdom Foundation (AKF) ang dalawang aso sa Sampaloc, Maynila na nananatili sa harap ng apartment ng kanilang dating fur parent na pumanaw na.
Kamakailan lamang ay aming nilahad ang kuwento ng dalawang nasabing aso na maihahalintulad sa legendary dog na si "Hachiko", patuloy na naghihintay sa kanilang fur parent na hindi na babalik dahil sa wala na ito.
Basahin: https://balita.net.ph/2023/01/30/katulad-ni-hachiko-dalawang-aso-naghihintay-pa-rin-sa-namatay-na-fur-parent/
Sa panayam ng Balita Online, ibinahagi ng AKF, isang non-government organization, na ni-rescue na nila ang dalawang aso at aalagaan muna ang mga ito sa kanilang Rescue & Rehabilitation Center sa Capas, Tarlac.
Ayon pa sa AKF, nakausap daw nila kahapon ang kamag-anak ng namatay na nagmamay-ari sa mga aso na mula sa Bulacan. Ang sabi raw ng mga ito sa AKF na balak nilang kunin at kupkupin ang mga aso pagkatapos ng 40 araw. Ngunit dahil sa matagal pa bago dumating ang araw na iyon at hindi pa umano ito siguradong matutuloy, pinakiusapan na nila ang pamilya ng may-ari na sila na muna ang kukupkop sa mga ito.
“We are very concerned kasi na baka masagasaan or as per neighbor inaaway daw ng ibang dogs. Hindi sila safe sa streets,” anang AKF.
Pumayag naman daw ang pamilya ng nasawi na ibigay ang kustodiya sa AKF.
Nagpapasalamat naman ang organisasyon sa mga netizen na agad nagpaabot ng kanilang tulong sa dalawang aso matapos malaman ang kanilang kalagayan.
“So many reached out to us wanting to adopt them, sponsor their kapon, vaccinations, food supply and even transport,” saad ng AKF.
“We are very happy with the feedback we got from netizens. [It] goes to show that they see and appreciate the loyalty of dogs.”
Panawagan pa ng AKF, bukod sa dalawang aso ay marami pa silang na-rescue na naghihintay ng bagong pamilyang kukupkop sa kanila. Sa mga nais daw magpaabot ng tulong at kumupkop sa dalawang aso o sa iba pang na-rescue nilang mga hayop, maaari raw makipag-ugnayan sa kanila sa pamamagitan ng pagbisita sa kanilang website.
“We have many adoptables looking for new homes and families,” saad ng AKF.
Sa ngayon ay mayroon na raw na-rescue na 350 aso at pusa na inaalagaan ngayon ng organisasyon sa kanilang shelter.
–
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!