Isang guro sa Pagbilao, Quezon ang kinagigiliwan lalo ng kaniyang mga estudyante dahil sa pagsusuot niya ng iba’t ibang costume sa klase.

Ang naturang malikhaing guro ay si Michael Ayore Royo, 33, mula sa Pagbilao National High School. Sampung taon na siyang guro at nagtuturo ngayon ng English subject sa Grade 8 at Grade 10.

Sa panayam ng Balita Online, ibinahagi ni Royo na nagsimula siyang maisip ang malikhaing pamamaraan ng pagtuturo noong unang mga taon ng pandemic para mas makuha ang atensyon ng kaniyang mga estudyante sa pakikinig.

“The true inspiration is to bring life and color when it comes to teaching students since napakaikli ng attention span nila,” aniya.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“I decided to level up the strategy to let them learn and have fun at the same time. Importante sa’kin na engaged ang mga students to make sure that learning takes place inside the classroom,” dagdag niya.

Masasabi naman daw ni Royo na naging epektibo ang nasabing pakulo niya dahil sa pagtaas ng mga score ng kaniyang mga estudyante sa mga pagsusulit.

Bukod sa pagbibihis bilang Captain Hook, nakapagbihis na rin daw ang guro ng costume pang-news reporter, judge at chef sa kaniyang English classes.

Larawan mula kay Michael Ayore Royo

Sa kabila nito, hihigitan pa raw ni Royo ang pagpupursigi para mas matuto pa ang kaniyang mga estudyante. Marami pa raw siyang susuoting costume para mas maengganyo silang matuto.

“To my students, I hope that you appreciate the efforts that your teacher is exerting just to make your learning experience meaningful at all times. Isapuso ang natutunan and be able to live with it,” ani Royo.

“Sa mga kapwa ko guro, huwag tayo mapagod na maging guro. Let us continue improving our techniques and discovering innovations to encourage participation among our learners,” saad pa niya.

“We may have the best technology nowadays but, we, TEACHERS, are still the BEST VISUAL-AIDS to our learners.”

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!