Nilinaw ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na tanging maliliit na aso at pusa lamang ang pinapayagan nilang makasakay ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) at hindi pa rin maaaring isakay ang malalaking alagang hayop, maging ang mga manok at reptiles, gaya ng sawa, iguana at iba pa.

Ang paglilinaw ay ginawa ni LRTA administrator Hernando Cabrera nitong Lunes, kasunod nang nalalapit nang implementasyon ng bagong polisiya sa LRT-2 sa Pebrero 1, 2023, na ang layunin ay gawing pet-friendly ang naturang public transport system.

"Pwede ng makapasok at isakay sa tren yung mga maliliit na aso't pusa. Lilinawin ko lang, mga maliliit na aso at pusa, hindi kasama yung ibang mga pets, yung mga sawa, bayawak, o iguana. Hindi pupwede yun," ayon pa kay Cabrera, sa panayam sa teleradyo.

Ipinaliwanag ni Cabrera na may mga pasahero na maaaring hindi komportableng makakita ng mga ahas, iguana at iba pang hayop, kaya’t hindi pa rin aniya nila ito pinapayagan.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Ang mga manok naman aniya ay maiingay at hindi maaaring lagyan ng diaper kaya’t hindi rin sila pwedeng isakay ng tren.

"Baka mag-ingay yun. Hindi mo pwedeng lagyan ng diaper yung manok," aniya pa.

Nabatid na ang mga pet owners na nais magsakay ng alagang aso at pusa sa LRT-2 ay kailangang makapagpakita rin ng katunayan na ang kanilang alaga ay bakunado na.

Dapat ding nakalagay ang mga ito sa carriers o cage at nakasuot ng diapers.

Papayagan lamang din umano ang mga pet owners, na may dalang alaga, na sumakay sa huling bagon ng tren.

Maaari rin naman umanong hindi pahintulutan ng LRTA na sumakay ang pet owner kung ang dala nitong alaga ay agresibo o sobrang ingay.