Target ng Commission on Elections (Comelec) na makapagdaos ng pilot test sa mall voting sa limang lugar sa National Capital Region (NCR) sa October 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, isasagawa nila ang pilot test sa SM Manila, Robinsons Manila, Robinsons Magnolia at dalawa pang malls sa rehiyon.
"Plano po ng inyong Commission on Elections na magkaroon ng pilot test sa limang malls sa Metro Manila," aniya sa panayam nitong Lunes.
Ilan aniya sa advantages ng mall voting ay seguridad, maiiwasan ang distribusyon ng sample ballots at preserbasyon ng school equipment gaya ng mga upuan.
Kumbinyente rin aniya ang pagboto sa mga malls dahil airconditioned at maluwag doon.
Tiniyak naman ng poll body na gagawin nila ang kanilang parte na magpakalat ng impormasyon para sa mga botanteng ang presinto ay maililipat sa loob ng malls.