Patuloy na uulanin ang malaking bahagi ng bansa ngayong Lunes, Enero 30, dahil sa northeast monsoon o amihan at shear line, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magiging maulap na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa mga lugar sa Visayas, Northern Mindanao, Caraga, at Davao Region dahil sa shear line.

Magiging maulap na may kasamang pag-ulan naman sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Bicol Region, Aurora, Quezon, Marinduque, at Romblon bunsod ng amihan.

Ayon sa PAGASA, maaaring makaranas ng pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar dahil sa katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.

Samantala, magkakaroon ng maulap na may kasamang bahagyang pag-ulan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dahil pa rin sa amihan, habang inaasahang makararanas naman ng maulap na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng Mindanao dulot ng shear line o localized thunderstorms.