Kinumpirma ng Land Transportation Office (LTO) nitong Lunes na simula sa susunod na linggo, digital devices na ang gagamitin ng traffic enforcers sa paniniket ng mga motoristang lalabag sa batas trapiko.
Ayon kay LTO chief Jose Arturo “Jay Art” Tugade, gagamit na ang traffic enforcers ng Law Enforcement Handheld Mobile Device sa pag-isyu ng electronic Temporary Operators’ Permit (e-TOP), para mabilis na maipasok sa LTO system ang maitatalang mga lalabag na motorista.
May kakayahan umano ang nasabing digital device na ma-detect ang mga pekeng driver’s license.
“The device has a camera and fingerprint scanner for the LTO traffic enforcer to verify if the driver’s license presented is fake. The camera can also be used as face recognition scanner,” ani Tugade.
Bagama’t magagamit pa rin daw ang handheld mobile device kahit walang internet connection, nilagyan pa rin ito ng dalawang mobile SIM card para masiguro ang malakas na internet connectivity nito. Lahat din kasi ng transaksyon ay mase-save sa kanilang servers sa pamamagitan ng mobile data connectivity.
Ayon pa kay Tugale, malalabanan ng makabagong device ang korapsyon dahil hindi na mababago ng traffic enforcer ang paglabag ng motorista kapag naipasok na ito sa system ng LTO.