Nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa publiko nitong Lunes na mayroon na lamang silang hanggang araw ng Martes, Enero 31, upang makapagparehistro para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Muli rin namang hinikayat ni Comelec Chairman George Garcia ang publiko na samantalahin ang pagkakataon upang makapagpatala at nang magkaroon ng oportunidad na bumoto sa Oktubre.

Una nang sinabi ni Garcia na wala silang planong palawigin ang voter registration para sa BSKE.

Gayunman, sinabi niya na palalawigin nila ang working hours ng mga local Comelec offices upang ma-accommodate ang mga registrants na nais magparehistro sa huling araw ng voter registration.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

“Dapat lang ma-extend (ang operating hours) habang may tao, habang may nakapila. Mag-issue tayo ng reminder ngayong araw sa ating mga registration sites,” ani Garcia, sa isang mensahe sa Viber.

Matatandaang una nang iniulat ng Comelec na nasa mahigit isang milyon na ang mga bagong botante nagsumite ng aplikasyon sa voter registration, na sinimulan noong Disyembre 12, 2022 at magtatapos ng Enero 31, 2023.