Inihain ni Senador Christopher “Bong” Go ang Senate Bill No. 1708 o ang “Free College Entrance Examinations Act of 2023” na naglalayong gawin nang libre ang college entrance exams ng mahihirap na estudyanteng kasama sa Top 10 academic achievers ng kanilang graduating class.
Ayon sa panukalang batas, gagawing mandato sa private higher education institutions (HEIs) na alisin ang college entrance fees para sa mahihirap na estudyanteng magsisipagtapos o nagtapos sa high school at kasama sa Top 10 ng kanilang klase.
“Let us help widen the opportunities of our underprivileged youth especially the best and the brightest,” ani Go sa isang pahayag.
Upang maging benepisyaryo ng nasabing panukalang batas, kinakailangang ang isang estudyante ay natural-born Filipino citizen.
Siya rin ay dapat isang graduating high school student o kaya naman ay high school graduate na kasama sa top 10 academic achievers ng kanilang graduating class at nagnanais na makapasok sa isa sa private HEIs sa bansa.
Bukod dito, ang kabuuang kita ng pamilya ay dapat na mas mababa sa poverty threshold na pinagpapasiyahan ng National Economic and Development Authority at Department of Social Welfare and Development.
“Ang edukasyon ang tanging puhunan natin sa mundong ito. Ito rin ang susi sa mas maginhawang kinabukasan,” pahayag ni Go.
“Bigyan natin ng oportunidad at insentibo ang ating kabataan na mag-aral nang mabuti para mailayo sila sa masasamang bisyo at bilang kapalit na rin sa paghihirap ng kanilang mga magulang na pag-aralin sila,” dagdag niya.