Ang pagpapatatag ng mga komisyon at pagsaayos para sa mas mabuting paglilingkod sa mananampalataya ang isa sa mga layunin ng ginaganap na 125th plenary assembly ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

Ipinaliwanag ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari nitong Linggo na nais ng mga lider ng simbahan na paigtingin ang bawat komisyon ng CBCP upang higit na makapaglilingkod sa 80 milyong katoliko sa Pilipinas.

"Pinagsisikapan naming mapagbuti yung serbisyo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, gusto naming i-organize ng mabuti yung lahat ng mga commissions and offices at yung hamon kasi ngayon kung paano tayo maglakbay ng sama-sama hindi lamang kaming mga obispo kundi kasama ang mga layko mga relihiyoso yung lahat ng miyembro ng simbahan," aniya, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Ayon kay Mallari, maraming bagay ang tinatalakay ng mga obispo tulad ng Ratio Nationalis na isang programa para sa paghuhubog ng mga maging pari; ang epekto sa mga simbahan sa Pilipinas ng Praedicate Evangelium na ipinatupad ni Pope Francis sa Vatican; at ang panukalang pagkakaroon ng Permanent Deacon sa bansa.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Umapela rin naman ang obispo sa mga kapwa lingkod ng simbahan na palakasin ang pakikipag-ugnayan sa mamamayan upang maramdaman ang diwa ng pagkalinga ng simbahan.

"Hamon sa aming mga obispo, pari at religious na we will try our best to be closer to the community especially those in the peripheries," aniya.

Nabatid na mahigit sa 80 obispo ang dumalo sa pagbukas ng tatlong araw na pagpupulong sa Pope Pius XII Catholic Center nitong Sabado, Enero 29.Nakatakda namang magtapos ang plenaryo bukas, Enero 30.

Kaugnay nito, hiniling rin ng obispo sa mga mananampalataya ang ibayong panalangin para sa matagumpay na talakayan na magbubunga ng paglago sa pananampalataya ng mga Pilipino.

"Please pray for us so that we will have the fullness of the Holy Spirit nang sa ganun we will be guided sa lahat ng gagawin," saad pa niya.