Nagkakaisa ang mga kasapi ng oposisyon mula sa Mababang Kapulungan at Senado sa paghimok kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) sa pag-iimbestiga sa halos 8,000 tao na napatay sa madugong giyera sa iligal na droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ginawa ang panawagan at paghimok nina Albay Rep. Edcel Lagman, House assistant minority leader Arlene Brosas at ng kanyang mga kasama sa Makabayan bloc. Kasama rin nilang humimok sa Pangulo sina Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III at Sen. Risa Hontiveros.

“Makipag-isa tayo bilang isang responsableng miyembro ng komunidad ng mga bansa sa mundo," sabi ni Pimentel matapos payagan ng ICC ang kahilingan ng mga prosecutor na i-resume ang imbestigasyon sa mga pagpatay ng Duterte administration kaugnay ng illegal drugs.

Ayon kay Pimentel, walang dahilan upang hindi makipagtulungan ang administrasyon sa pagsisiyasat ng ICC sapagkat hindi pa madetermina kung may pananagutan nga si Pangulong Duterte o wala sa akusasyong krimen laban sa sangkatauhan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Samantala, hinimok ni Hontiveros si Pangulong Marcos na tumalima sa pandaigdigang batas at irekonsidera at muling pag-anib sa Rome Statute na lumikha sa ICC.

"The ICC is filling a long-standing vacuum in the investigation. Justice requires that an impartial body investigate killings connected to the so-called war on drugs.”

Samantala, ang kinikilalang dekano ng oposisyon sa Kamara na si Albay Rep. Edcel Lagman, ay sumang-ayon sa mga pahayag ng dalawang senador.

"Ang rule of law ay hindi limitado sa parochial confines. Ito ay dapat na kumporme sa kaayusang pandaigdig o world order,” sabi ni Lagman.

Binigyang-diin ni Lagman na hindi maaaring i-invoke ng bansa ang tinatawag na principle of complementarity sa pagtutol sa imbestigasyon ng ICC Department of Justice (DOJ) dahil hindi naman umano inimbestigahan si Duterte o kaya'y naresolba ang 56 kaso na kung saan ang DOJ ay nakatagpo ng dahilan para ituloy ang pag-uusig.

Ang 56 cases ay kabilang sa halos 8,000 pagpatay na kinilala ng Philippine National Police na nangyari sa Duterte’s anti-drug war.

Para naman kay House Assistant Minority Leader Rep. Arlene Brosas, “ang ICC ay may sapat na dahilan upang i-resume ang imbestigasyon bunsod ng napakaraming bilang ng ebidensya at pahayag mula sa mga pamilya ng mga biktima.”

"Tinatawagan namin ang Philippine National Police na itigil ang planong pag-revamp at pagsusulong na pagretiruhin na lang ang mga sangkot na opisyal ng PNP. They must testify in the ICC probe and be held accountable,” ayon kay Brosas.