Iniulat ng independent OCTA Research Group nitong Linggo na bahagyang tumaas ang 7-day COVID-19 positivity rate sa bansa at sa National Capital Region (NCR).
Ang positivity rate ay ang porsiyento ng mga pasyenteng nagpopositibo sa COVID-19, mula sa kabuuang bilang ng mga isinailalim sa pagsusuri.
Base sa datos na ibinahagi ni OCTA Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, nabatid na hanggang nitong Enero 28, 2023, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 2.4% na nationwide positivity rate.
Mas mataas ito kumpara sa 2.1% na positivity rate na naitala ng DOH sa bansa noong Enero 27, 2023 lamang.
Nabatid na nitong Enero 28, nakapagtala rin ang DOH ng 199 bagong kaso ng sakit sa Pilipinas, sanhi upang umakyat na sa 4,072,844 ang total COVID-19 cases sa bansa. Sa naturang bilang, 10,038 na lamang ang aktibong kaso pa.
Nakapagtala rin naman ang DOH ng apat na pasyente na binawian ng buhay dahil sa karamdaman sa nasabing araw, kaya’t ang total COVID-19 deaths sa bansa ay pumalo pa sa 65,757.
Mayroon rin namang 304 pasyenteng gumaling na sa sakit kaya’t ang total COVID-19 recoveries ng bansa ay nasa 3,997,049 na sa ngayon.
Sa pagtaya ni David, maaaring umabot sa 250 hanggang 350 ang mga bagong kaso ng sakit na maitatala sa bansa nitong Linggo, Enero 29, 2023.
“Jan 28 2023 DOH reported 199 new cases 4 deaths (2 in NCR) 304 recoveries 10038 active cases. 2.4% nationwide positivity rate. 72 cases in NCR. Projecting 250-350 new cases on 1.29.23,” tweet ni David.
Samantala, ang positivity rate naman sa NCR ay bahagyang tumaas rin sa 2.4% nitong Enero 27, 2023, kumpara sa 2.0% lamang noong Enero 26, 2023.
Noong Enero 20, 2023 aniya, ang positivity rate sa rehiyon ay naitala sa 2.5%.
Tiniyak naman ni David na patuloy nilang imumonitor ang sitwasyon ng COVID-19 sa mga susunod na araw upang matukoy kung magpapatuloy ang naturang upward trend.
“NCR 7-day positivity rate inched back up to 2.4% (as of Jan 27) from 2.0% just a day ago. A week ago (Jan 20) it was at 2.5%. We will monitor this over the next few days to see if the trend continues upward,” aniya pa.