Isang tradisyon na sa pagpapabinyag ng isang anak ay ang pagkuha ng mga ninong at ninang. Ang mga ninong at ninang ay tatayong pangalawa o kahaliling magulang kung sakaling wala o wala na ang mga tunay na magulang ng isang bata. Sila ang magbibigay ng gabay at tanglaw sa kanilang mga "inaanak" upang hindi sila maligaw ng landas.
Kaya naman, marami sa mga netizen ang hindi ikinatutuwa ang "horror story" ng mga ninong o ninang na nakaka-engkuwentro ng mga hirit ng kanilang mga kumpare o kumare, para sa kanilang inaanak. Karamihan kasing ang konsepto ng ninong at ninang ay pagbibigay ng regalo tuwing may okasyon gaya ng Pasko o kaarawan.
Gaya na lamang ng kuwento ng isang nagngangalang "Angel" kung saan ibinahagi niya ang sapilitang pag-isponsor sa kaniya ng kaniyang "kumare" na hinihiritan siya ng 3 layer na cake at 24 piraso na cupcakes.
"Bakit parang kasalanan ko pa? 😅," saad ni Angel sa kaniyang buradong Facebook post.
"PS.Di ho nangangawil ng pera asawa ko," dagdag pa niya.
Sa ulat, makikitang ipinost ni Angel sa social media ang naging kumbersasyon nila ng nanay ng kaniyang inaanak. Makikitang inaya siyang maging ninang ng anak nito. Nang pumayag siya, siya na raw ang pinagbabayad ng 800 piso para sa simbahan.
Bukod dito, siya rin ang inuutusan nitong mag-sponsor ng cake para sa kaniyang magiging anak.
Mababasang tumanggi si Angel dahil para sa kaniya, masyadong malaki ang halaga ng pagpapagawa ng 3 layer na cake at cupcakes na posibleng umabot sa 5,000 piso.
Ngunit humirit pa ang nanay at sinabing wala lang sa kaniya ang gayong halaga dahil seaman naman ang kaniyang mister.
"Nakita mo naman siguro sa post na katatapos lang din ng bday ni Baby (anak nila). Saka marami pa kami binabayaran…"
"Saka di naman porke seaman asawa ko mapera na agad."
Agad daw namang nagdesisyon ang nanay ng bata na ibang tao nalang ang kukunin niyang maging ninang ng anak at baka may mahihita pa siya roon. Sinabi rin nito na kaya siya ang kinuhang ninang dahil galante ito sa kanila noon.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen.
"Grabe naman ito! Ginawang palabigasan ang ninang. Hindi po ganyan ang trabaho ng isang ninang."
"Ay kung ako sa ninang na kinukuha tatalakan ko 'yan! Kayo ang mga magulang, dapat kayo ang magbigay ng mga pangangailangan nila!"
"Saan kaya kumuha ng lakas ng loob yung nanay?"
"Kayo ang magulang, dapat kayo ang gumastos sa binyag ng anak. Huwag ninyong bawiin ang gastos sa mga ninong at ninang na kinukuha ninyo."
"Ako, magiging masaya pa ako kung hindi ako natuloy na kunin na ninang kung ganyan lang din ang magiging kumare, thanks but no thanks!"
Ikaw, anong masasabi mo tungkol dito?
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!