Isang grupo ng mga kabataan mula sa Ramon, Isabela ang hinangaan matapos makagawa ng isang obra gamit ang mga butil ng bigas.
Sa panayam ng Balita Online, sinabi ng founder ng grupo na si Giovani Garinga, 30, na binuo niya ang grupong tinawag niyang Rice Art Nation upang magkaroon ng grupo na magtataguyod sa rice arts na tumutukoy sa sining gamit ang butil ng bigas, kung saan mayaman din ang probinsya ng Isabela.
Ang nasabing grupo ay binubuo ng 20 mga estudyante at out of school youths na ang edad ay mula 12 hanggang 23 taong gulang.
Unang ibinida ang nasabing uri ng sining sa nagdaang Bambanti Festival ng Isabela. Kuwento ni Garinga, habang ginagawa raw nila ito, nakita niya kung gaano kalaki ang dedikasyon ng kaniyang mga miyembro para makalikha ng obra na maipagmamalaki ng kanilang lugar.
“Grabe ‘yung naging dedication and sacrifices ng mga bata. May umaabot pa ng 4 a.m. sa paggawa para lang ma-meet ‘yung deadline. ‘Yung iba, 24 hours pa. Kaya bilang group leader nila, I will do my best para mapansin sila,” ani Garinga.
Kahit pa ginagawa na raw ang rice arts sa ibang mga bansa tulad ng India at Vietnam, nais ng kanilang lugar na makilala ang sining nila sa bansa hanggang sa buong mundo.
“Kaya hopefully ay suportahan kami ng governor namin para maging sustainable livelihood po ito ng mga out of school youths and side hustle ng mga student,” ani Garinga.
Ayon pa sa kaniya, ultimate dream daw ng grupo na maging Guinness World Records holder pagdating sa paggawa ng pinakamalaking rice artwork.
–
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!