Pagtitinda ng tinapa ang pangunahing pinagkukunan ng pangangailangan ni Roy Acdal, 53-anyos, mula sa Baler, Aurora. Katulong sa pagtitinda? Kaniyang aso.

Sa panayam ng Balita Online, ibinahagi ni Acdal na may diperensya ang kaniyang paa at nag-iisa na lamang siya sa buhay. Mabuti na lamang at nandiyan si Ruru, ang anim na buwan niyang aso.

“Kami ang magkasama araw-araw, umulan at uminit. Dahil ako ay nag-iisa sa buhay, si Ruru ang naging anak ko,” aniya.

Unang aso raw ni Acdal si Ruru. Noong una ay nagdadalawang-isip pa siya kung tatanggapin niya ito para alagaan.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

“Dahil PWD ako, daming nagsasabi na i-try ko, 1 week, ok. 1 month, ok naman. May challenge pero tinuloy ko. Until now, we're still happy,” kuwento niya.

Ayon pa sa kaniya, ang pagtitinda ng tinapa ang tanging ikinabubuhay at pinagkukuhanan niya ng mga gastusin at pambayad ng renta sa tinutuluyan niya. Tuwing kailangan daw niyang umalis sa pwesto ng kaniyang tinda, iniiwan niya doon si Ruru para magbantay.

“Bilang PWD dada (tatay) ni Ruru, tinuturuan ko [siyang] magbantay sa tinda ko. Kinakausap ko, ‘bantayan mo tinda natin, bibili akong pagkain’,” aniya.

Never daw pinatikim ng tinapa si Ruru para hindi nito galawin ang kanilang mga paninda tuwing kailangan niyang iwanan ito sa kanilang pwesto.

Kahit walang kasama, hindi na nararamdaman ni Acdal ang lungkot ng pag-iisa dahil sa nagsisilbing katuwang niya sa buhay na alaga.

“Totoo pala ‘yung kasabihan: man’s best friend ang mga aso,” ani Acdal. “Salamat, Ruru, dumating ka sa buhay ko.”

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!