Isang guwardiya sa Novaleta, Cavite, ang nagtayo ng tindahan ng mga prutas kung saan self-service at mapatutunayan ang katapatan ng kaniyang mga customer dahil sa walang nagbabantay rito.

Simple lang daw ang polisiya ng fruit store na ito: "Kumuha ka nang naaayon sa kagustuhan mo at timbangin mo ayon sa sukat na nais mo".

Ayon sa ulat ng Cavite Connect, ang nagmamay-ari ng Honest Fruit Store ay ang 43-anyos na sekyu na si Rodney Pampag.

Itinayo raw ni Pampag ang nasabing tindahan noong nakaraang dalawang linggo matapos siyang ma-inspire sa isa ring honesty store sa kalapit-bayan nilang Rosario, Cavite.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

"Naniniwala ako na honest ang lahat ng tao dito, sa bawat galaw at kilos nila alam nila kung tama o mali ang kanilang ginagawa," ani Pampag.

Bukod sa tindang mga prutas tulad ng saging, ubas, pinya, pakwan, dalandan at mansanas, makikita rin sa honesty fruit store ni Pampag ang listahan ng presyo ng bawat produkto na magiging gabay sa pamimili ng mga customer.

Sa dulong bahagi ng nakapaskil na pricelist ay makikita rin ang isang bible verse mula sa Mateo 25:21 na nagsasabing: "Sinabi sa kaniya ng kaniyang Panginoon, mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: Nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka sa kagalakan ng iyong Panginoon."

Kung ano ang halaga ng itinimbang ng customer, iyon ang ilalagay niya sa lagayan ng pera na may nakasulat ding "sa totoo lang store". Ang customer na rin ang bahalang magsukli sa sarili niya kung sakaling buo ang kaniyang pera.

Magmula nang itayo ang nasabing store, wala pa umanong naitatalang nagnakaw rito at talagang mga tapat ang mga customer na pumupunta roon para bumili.

Ayon pa raw kay Pampag, umaabot din sa ₱750 kada araw ang kinikita ng nasabing tindahan ng prutas. Malaking tulong na rin umano ito sa kaniyang pamilya at dagdag sa halagang kinikita niya bilang isang guwardiya.

Dalawang dekada na raw nagtatrabaho bilang sekyu si Pampag sa St. Martin Hospital na malapit lamang ng kaniyang Honesty Fruit Store.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!