Plano ng Commission on Elections (Comelec) na magsagawa na rin ng pilot test sa pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa ilang piling malls.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, plano nilang i-transfer ang ilang piling polling precincts sa mga malls, upang doon isagawa ang pagboto at bilangan ng boto, sa mismong araw ng halalan.
Gayunman, tanging ang mga polling precincts na malapit lamang aniya sa malls ang maaari nilang isama sa pilot test.
Nasa tatlong lugar lamang rin aniya ang pipiliin nila para sa naturang pilot project.
Ani Garcia, sakaling maging matagumpay ang proyekto at mapatunayang mas episyente ito para sa mga botante ay maaaring payagan na nilang sa mga malls isagawa ang botohan sa bansa sa 2025 elections.
“If this would prove to be successful and [more efficient] for voters, maybe we could let voters nationwide cast their votes at malls in the 2025 [elections],” ani Garcia, sa panayam sa radyo nitong Biyernes.
Nabatid na tinalakay na rin ni Garcia ang naturang plano sa mga mall operators at bukas naman aniya ang mga ito sa naturang ideya.
Iminungkahi pa nga aniya ng mga ito na buksan ng mas maaga ang malls kumpara sa kanilang regular working hours para mapaglaanan ng mas mahabang panahon ang pagboto.