Matapos ang halos anim na buwang pamamayagpag ng teleseryeng “Darna” na ginagampanan ni Jane De Leon, nalalapit na ang finale ng modern retelling ng orihinal na obra ni Mars Ravelo.
Matitinding hamon pa ang haharapin ni Darna kabilang na ang “Super Soliders” ni Heneral Borgo na ginagampanan ni Richard Quan, at ang huling sagupaan ni Darna laban kay Valentina na role naman ng aktres na si Janella Salvador sa huling dalawang linggo ng nasabing teleserye.
Trending ang mga huling eksena sa teleserye kung saan nalaman na ni Valentina na ang matalik niyang kaibigan sa katauhan ni Narda at si Darna ay iisang tao lamang. Nagpahiwatig ito ng napipintong pagwawakas ng kuwento ng Pinay superhero na siya namang kinumpirma ng JRB Creative Production sa kanilang social media accounts.
Umani naman ng reaksiyon mula sa fans ang tila napabilis na ending ng Darna. Anila, tama lang din na tapusin na ang teleserye dahil umano sa hindi masiyado plakadong special effects nito, na nauna nang batikusin ng netizens.
“Last 2 weeks na ang Darna. Oks na din siguro i-end, medyo di ko na rin gusto yung storyline pati visual effects. Hopefully, kung matuloy man movie, sana bonggahan na nila,” lahad ng isang netizen.
Samantala, sinasabing hahalili naman sa timeslot ng “Darna” ang “FPJ’s Batang Quiapo” na pagbibidahan nila Coco Martin at Lovi Poe, na siyang anak ni Fernando Poe Jr. na orihinal na gumanap sa karakter mula sa 1986 film nito.
Naglabas na ng unang teaser trailer ang Dreamscape Entertainment, para sa kanilang bagong teleserye dahilan upang mapuno ng excitement ang parehong fans nila Coco, Lovi, at Da King.
Mapapanood ang mga nasabing ABS-CBN teleserye sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, TFC, CineMo, A2Z at TV5.