Naglabas ng opisyal na pahayag ang "JRB Creative Production" hinggil sa napabalitang kaya raw hindi natuloy ang pagpasok sana ni Asia's Songbird Regine Velasquez-Alcasid sa "Mars Ravelo's Darna: The TV Series" ay dahil sa "pag-iinarte" daw ng bida nitong si Jane De Leon.
Matatandaang naghahanap umano ang JRB ng dating gumanap na Darna, mapa-pelikula o serye man, upang mapasama sana sa huling episodes nito, bago magtapos sa Pebrero.
Si Regine daw ang isa sa mga tinawagan at agad daw umoo ang singer-actress-TV host, subalit hindi na nga raw ito natuloy dahil sa pagharang ni Jane.
Nilinaw naman ng JRB ang isyung ito sa pamamagitan ng opisyal na pahayag.
Anila, hindi natuloy ang Songbird dahil hindi na swak sa schedule nito ang taping.
"Bilang paglilinaw, hindi natuloy ang guesting ni Asia's Songbird Regine Velasquez sa "Mars Ravelo's Darna" dahil hindi napagtugma ang schedule nila ni Jane De Leon," mababasa sa inilabas na pahayag.
"Buong puso kaming nagpapasalamat Kay Regine sa malugod niyang pagtanggap sa aming imbitasyon," anila pa.
Sinasabing matatapos na ang Darna sa paglipad sa ere at papalitan ito ng "FPJ's Batang Quiapo" ni Coco Martin.
Marami ang nanghihinayang sa serye dahil tila "na-downgrade" daw ang kalidad nito, magmula sa plot, storyline, at lalong-lalo na ang computer-generated images o CGI na nakatatanggap ng puna at lait mula sa netizens.