Maraming netizens ang humanga sa post ng pursigidong mag-aaral na si Jandel Tuazon mula sa Albay tampok ang kaniyang artwork.
Sa ngayon ay umani na ang naturang post ng mahigit 2,600 reactions at 440 shares.
Si Tuazon, 19, ay isang first college na kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Architecture sa Bicol University Institute of Design and Architecture. Bunso sila ng kambal niya sa limang magkakapatid. Ang kaniyang ama ay isang barangay tanod at housewife naman ang kaniyang ina na siyang umaasikaso rin sa kanilang maliit na sari-sari store.
Sa panayam ng Balita Online, ibinahagi ni Tuazon na ang maliit na negosyo nila ang pangunahing pinagkukunan nila ng kanilang mga pangangailangan. Kaya’t upang makatulong dito, bukod sa pagpupursigi sa pag-aaral ay nagsa-sideline siyang gumuhit para sa iba.
“Tumatanggap din po ako ng commissions bilang pangunahing pinagkukunan ko po ng panggastos sa mga gastusin po sa pag-aaral ko at para makapag-ipon po ng pambili ng laptop,” ani Tuazon. “Isa po kasi sa pinaka-required sa course ko po ang laptop. Kaya need ko po mag-ipon. Ayoko naman pong iasa na lang po lahat sa mga magulang ko.”
Kuwento pa ni Tuazon, minimithi niyang makabili na ng laptop sa susunod na taon dahil mukhang kinakailangan na talaga ito sa kaniyang kurso. Kaya naman bukod sa pagkokomisyon, sumasali rin siya sa mga patimpalak sa pagguhit tulad ng poster making contest, painting competition, at graphite and charcoal pencil rendering contest.
Marami nang mga napanalunan si Tuazon dahil sa kaniyang angking talento sa pagguhit. Mapa-school level, regional level hanggang national level ay nakapag-uuwi siya ng medalya. Naging back to back champion din siya sa kanilang munisipalidad pagdating sa poster making contest.
“Laking pasasalamat ko sa ating Panginoon dahil wala ako nitong talento ko kung wala siya at lahat ng papuri at parangal na natatangap ko ay dapat lamang na ibalik sa kanya,” saad ni Tuazon.
“Sa mga estudyante po na katulad ko na may ganitong talento na ginagamit para makatulong sa pamilya at pag aaral, saludo po ako sainyo. Napakasarap sa pakiramdam na makatulong sa pamilya gamit ang talento na alam mong masaya mong ginagawa. Kaya padayon! Hanggang sa makaamit natin ang hinahangad nating bituin,” saad pa niya.
Masaya rin daw si Tuazon na marami ang naka-appreciate sa ibinahagi niyang artwork sa social media.
“Bilang isang visual artist, nakakatuwa po na naibabahagi po namin ang aming talento sa pamamagitan nitong pag-post sa social media. Napo-promote din po namin ang sining dito sa ating komunidad at napapatanuyan ko rin na hindi kami isa Visual Artist "LANG"! kundi VISUAL ARTIST kami. Our artwork can speak louder than our voice,” aniya.
–
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!