Kinumpirma ng isang kinatawan ng noodle industry ngayong Sabado, Enero 28, na maaaring tumaas ang presyo ng noodles sa bansa dahil sa pagtaas ng presyo ng itlog.

Sa panayam ng ABS-CBN Teleradyo, sinabi ni Mary Joy Delmonte, sales and marketing manager ng Kands Corporation, kailangan daw nilang magtaas ng presyo dahil ang itlog ay isa sa mga pangunahing kasangkapan ng noodles na talagang may kamahalan din ngayon.

Ayon kay Delmonte, posibleng nasa 10% to 20% daw ang mangyayaring pagtaas ng presyo ng kanilang noodles.

Sa kabila nito, hindi naman daw puwedeng gawing biglaan ang pagtaas ng kanilang presyo dahil sa iniisip din nila ang kanilang mga kliyente.

"Ang kasamaan lang po, 'yung mga kliyente namin hindi kami agad makapagtaas. Halimbawa, nagtaas ng presyo ngayon, so 'yung pag-increase po namin ng price is after like ilang weeks or sometimes a month kasi 'yung price din po ng mga kliyente 'yung iniisip namin. So lugi po talaga sa side ng mga manufacturing," aniya.

Maaarin din daw dumating sa punto na magbabawas sila ng kanilang tauhan kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng itlog.

Kaya panawagan ni Delmonte, huwag na sanang patuloy na tumaas pa ang presyo ng itlog dahil malaki rin ang epekto nito sa kanilang mga manufacturing company at maging sa kanilang mga trabahador.