Inspirasyon ang 9-taong gulang na estudyante sa Davao Del Norte matapos magpamalas ng katapatan at isauli nito ang napulot na cash na ilalaan sana ng may-ari para sa gamot nito.

Ito ang kuwento ni Ashnor Cadato, isang Grade 3 student ng Sto. Nino Elementary School sa isang ulat ng ">GMA Regional TV.

Sa murang edad, ang batang estudyante ay hinangaan na sa kaniyang kabutihang loob nang isauli ang napulot na cash sa isang payment outlet sa kanilang lugar.

Inutusan lamang na magbayad ng bill ng kuryente, nakita ni Ashnor ang isang sobre na naglalaman ng P2,000.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 10 bansang hindi nagdiriwang ng Pasko

Dito na inuwi ng bata ang halaga ngunit sa halip na gamitin ito sa pansariling benepisyo, napili ni Ashnor, sa tulong ng kaniyang inang si Ashleah, na hanapin ang may-ari ng pera.

Sa tulong ng social media at sa pangalang nakalagay sa sobre, dito natukoy ng mag-ina ang gurong si Olivia Perlias, 55, na siyang nakawaglit pala sa sobre.

Ang cancer survivor at magiting na guro ay recipient pala ng Service Incentive Recognition o SIR ng Department of Education (DepEd) kamakailan kasunod ng danyos ng masamang panahon sa rehiyon.

Ang halaga ay inaasahan din ng guro na maipambibili ng gamot kaya’t abot-abot na lang ang naging pasasalamat niya nang maisauli ang sobre.

Sa huli, personal na nagpasalamat ang guro kay Ashnor na pangarap pa lang maging pulis sa hinaharap. Bilang pasasalamat, isang munting regalo ang kaniyang ibinigay kay Ashnor.

Kasabay nito, kinilala rin ng DepEd ang katapatan ng bata na inaasahang pamamarisan ng kapwa estudyante at kabataan.