Isinugod ang walong katao, kabilang ang limang menor de edad, sa isang ospital matapos ma-expose sa umano'y chlorine leak sa Jovares Oxygen and Gas sa Kaingin St. Tinajeros, Malabong City nitong Biyernes, Enero 27.

Kinilala ng Malabon Disaster Risk and Reduction Management Office (DRRMO) ang mga biktima na sina Wendy Evangelista, 23, Arturo Bonillo, 72, Rustan Moralde, 25; at limang menor de edad-- tatlong lalaki na may edad tatlo, apat, at siyam; isang babae, 13; at isang siyam na buwan na lalaki.

Ayon sa Malabon-Bureau of Fire Protection (BFP), inireport sa kanila ang nasabing leakage dakong 12:15 p.m.

Sinabi naman ng DRRMO na dinala ang mga pasyente sa Ospital ng Malabon (OSMAL) dahil sa hirap sa paghinga.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Dagdag pa nito, nasa mahigit 300 residente ang inilikas bilang pag-iingat.

Patuloy pa rin namang iniimbestigahan ng BFP ang sanhi ng chlorine leak sa loob ng storehouse.

Samantala, binisita ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang mga pasyente.

“Ang ating lokal na pamahalaan ay gagawa po ng mga hakbang para makatulong sa paggaling ng mga apektado nating kababayan. Sisiguraduhin po namin na mabibigyang aksyon ang insidente na ito sa lalong madaling panahon," aniya.

Diann Calucin