Maraming netizens ang natuwa sa guro na si Jenny Rey Balbalosa-Alquero mula sa Camarines Sur tampok ang kaniyang pa-free snacks sa kaniyang mga estudyanteng kumukuha ng kanilang final examinations.

Sa panayam ng Balita Online, ibinahagi ni Alquero, Senior High School teacher sa Pili National High School, naisip niyang magbigay ng libreng meryenda sa kaniyang mga estudyante dahil nararamdaman daw niyang pagod din ang mga ito dahil sa pressure ng final exam.

“This is my way of motivating them na mag-aral nang mabuti para makapagtapos ng pag-aaral,” aniya.

Maga-apat na taon na raw na nagtuturo ng English subject si Alquero, at bukod sa nasabing free snacks, nagbibigay rin siya ng treats bilang regalo sa mga estudyanteng nagdiriwang ng kanilang kaarawan.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Hindi naman po ganun kabongga ang nabibigay ko, sabi nga po, it’s always the thought that counts,” ani Alquero.

Kuwento pa ng guro, labis na kasiyahan at pagpapala ang nararamdaman niya tuwing nakikita niya kung gaano natutuwa ang mga estudyante niya kahit sa simpleng bagay lamang. Pakiramdam din daw niya ay pinagpapala siya tuwing nagkakaroon siya ng pagkakataon na magbahagi sa iba.

“Sabi nga, ang totoong meaning ng success ay kapag nakakapag-share ka na rin sa iba. To God be the glory lang po sa lahat ng ito. I feel happy din po dahil hindi lang ako gumagawa nito sa school, marami po, at dahil po ‘yan sa mga school head namin na sina Ma’am Sherlina Dela Torre at Ma’am Erma Escuro,” aniya.

Hindi naman daw niya sukat akalain na magva-viral ang kaniyang post at marami ang makaka-appreciate sa kaniya maging sa mga kapwa niya guro.

“Nakaka-touch at inspire din po para ipagpatuloy ko pa ang mga ganitong simple act of kindness. Also proud din po dahil nare-recognize din ang aming school,” saad niya.

Sa ngayon ay umabot na sa mahigit 1,000 reactions at 300 shares ang post tungkol sa kabutihang naidulot ng nasabing guro sa kaniyang mga estudyante.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!