Umakyat na sa ₱885,165,517.43 ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura ngayong Biyernes, Enero 27 dahil sa patuloy na pagsama ng panahon mula pa noong Enero 2.

Sa pinabagong tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), tinatayang 39,984.5 na ang mga magsasakang naperwisyo at 45,520.075 ektarya ng mga pananim na ang nasira dahil sa walang tigil na pag-ulan dulot ng low pressure areas, northeast monsoon at shearline.

Samantala, nasa ₱528,050,324.68 naman na ang nasira sa sektor na imprastraktura.

Ayon din sa tala ng NDRRMC, umakyat na sa 40 indibidwal ang mga nasawi dahil sa naturang pagsama ng panahon, habang pito ang nawawala at 12 naman ang nasugatan.

Sa ngayon ay nasa 481,012 na pamilya o 1,964,679 indibidwal ang naapektuhan sa 14 rehiyon ng bansa.

Tinatayang 185 na lugar pa rin naman sa bansa ang patuloy na binabaha dahil sa walang tigil na pag-ulan.