Marami ang humanga sa post ng artist na si Ralvin Dizon mula sa Mabalacat, Pampanga, tampok ang painting nito na mukhang blurred na larawan ang kuha.

Sa panayam ng Balita Online, ibinahagi ni Dizon na nabuo ang nasabing artwork dahil sa pagkahilig niya sa konseptong Street Scenes o Social Realism.

“Pinapakita ko sa mga subject na pinipinta ko ang pang-araw-araw na ginagawa ng mga tipikal na Pinoy na makikita sa ating mga kalsada, at maraming nakaka-relate dito dahil para daw nilang nakikita ang sarili nila,” anang 41-anyos na artist.

Sa limang araw kada linggo niyang pagpinta, inaabot daw si Dizon ng isa’t kalahating buwan bago niya matapos ang isang painting niya.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Dahil may pagkabusisi ang proseso nito, minsan daw ay nauubusan din siya ng pasensya habang lumilikha, ngunit hindi niya pa rin tuluyang mabitawan ang paint brush dahil dito rin siya nagiging masaya.

“Kapag gusto mo talaga ang ginagawa mo at masaya ka dito ay lahat ng pagod mo ay mawawala. [Lalo] kapag nakatapos ka ng isang pinta,” dagdag niya.

Nagsimulang pasukin ni Dizon ang mundo ng arts noong taong 2013. Nasa 30-anyos daw siya nang mga panahong iyon at ballpoint pen pa lamang ang ginagamit niya. Nang dumating ang 2016, doon na raw siya gumamit ng watercolor, at kung minsan ay medium-like oil, graphite o acrylics tuwing lumilikha ng obra.

“Kahit panaka-naka ay gumagawa ako noong nagwo-work pa ako bilang graphic artist. Then pinost ko sa isang art group, ayun nagustuhan at pinagpatuloy ko na. Naging sideline ko muna [ito] before ako nag-full-time,” kuwento niya.

Sa kasalukuyan ay isang full time freelance artist si Dizon at kung minsan daw ay tumatanggap na rin siya ng mga komisyon.

Ayon pa kay Dizon, masaya siya at maraming nakaka-appreciate sa mga kaniyang mga obra. Ngunit mayroon pa rin daw mga taong nagdududa kung siya ba talaga ang gumagawa ng mga ito.

“Hindi naman lahat aayon sa iyo. Pinapabayaan ko na lang. Minsan nagbibigay din ako ng work in progress photos sa mga nagdududa talaga para patunayan na isa itong gawang kamay,” saad niya.

Sa ngayon ay umabot na sa mahigit 13,000 reactions, 474 comments at 3,045 shares ang nasabing post ni Dizon.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!