Simula Pebrero 1, bubuksan na sa mga alagang aso, at pusa ang LRT-2 stations sa ilalim ng ilang kondisyon.
Ito ang balitang ikinatuwa ng maraming netizens at komyuter kasunod ng isang teaser post online ng pamunuan ng tren noong Miyerkules, Enero 25.
Kalauna’y napag-alaman na simula Pebrero, ito ang pagbabagong aasahan ng publiko.
Sa kondisyong bakunado, nakasuot ng diaper at nasa loob ng kanilang kulungan ang mga alagang hayop, papayagan ng administrasyon ang mga ito na sumakay sa tren.
Samantala, isang pag-aalinlangan naman ang ipinahayag ni LRTA administrator Hernando Cabrera para sa malalaking aso kamakailan.
"Maaaring magkaroon tayo ng ilang mga problema sa malalaking alagang hayop, maaaring mahirap para sa kanila na pumasok sa tren. Alam nating lahat kung minsan ay masikip sa loob, aniya sa isang press briefing.
Wala namang partikular na detalye pa ang isinasapubliko ang pamunuan ng tren ukol sa potensyal na lahi, tangkad, bigat o lapad ng alagang hayop na maaaring maharang sa pampublikong sakayan.
Dahil din dito, matapos ang anunsyo online, ilang netizens ang una nang nagpaabot ng pakiusap at paalala sa pamunuan ng LRT-2.
“Sana po lahat ng klase. 'wag po limitahan sa so-called ‘toy’ dogs. No discrimination please,” saad ng isang netizen.
“Yehey!! Good news! I hope na may designated car trains for them and their owners kase we should also take into consideration yung mga taong may allergies with fur ng aso at pusa,” suhestyon ng isa pa.
“Sana maglabas ng maayos na guidelines about this. tapos ma roll out and well-informed ang mga staff and security guards. Sa MRT kasi sabi pwede ang pets given naka-carrier, sa Boni Station walang idea ang mga guards, tumawag pa ng kasamahan same sila na no clue,” dagdag na saloobin ng isa pang komyuter.
“I just really hope medium-large sized breeds are also welcome.”
“Oh no. Is the system really ready for this? What about during rush hour? How to control the surge of people? Are there doctors on the LRT to assist? What if nakakagat ung mga animals ng tao? Is there insurance/assistance for it? While I appreciate theLRT being pet friendly, dapat may extreme safety measures on both animal and human side ang implemented, ndi ung bara -bara lang na implementation,” may puntong mga saloobin ng isa pang netizen.
“Finally! Yun mga malalaking establishments nga like malls nagpapasok na ng mga pets as long as naka bag or leash at may diaper. Pwede din silang isakay sa mrt, bus, grab at kahit nga jeep at trike. Bukod tanging sa LRT lang ang hindi pet friendly.”
Sa pag-uulat, wala pang malinaw na regulasyon ang pamunuan ng LRT-2 para sa naturang pagbabago.