Sinagot na ng ABS-CBN International Sales Division ang isyung pagpapatigil umano sa pag-ere ng “Mars Ravelo’s Darna The TV Series” sa free TV channel na ANTV ng bansang Indonesia.
Ayon sa kanila, nahinto lamang ang paglipad ni Darna sa ANTV dahil sa aalisin na ang analog TV broadcasting sa Indonesia.
Sinisimulan na raw kasi nila ang pag-shift sa digital TV broadcasting na siyang magiging plataporma naman sa pag-ere muli ng Darna sa nasabing bansa.
“ANTV determined that it would be better for viewers to enjoy ‘Darna’ once the transition to digital TV broadcasting has been completed,” pahayag pa ng ABS-CBN.
I-aanunsyo raw nila ang bagong mga detalye ng paglipad muli ni Darna sa Indonesia.
Matatandang kumalat ang mga balita kagabi, Enero 26, na ipinatigil sa pag-ere ang nasabing palabas sa ANTV dahil hindi angkop ang ilang mga eksena nito sa kultura at batas ng nasabing bansa.
Bukod dito, nabalita ring tinakpan ang dibdib ni Darna nang lumabas ang opisyal na poster nito sa Instagram account ng ANTV.