Kilalang nagmula sa angkan ng mga kilalang aktor sa bansa, aminado si Kapamilya star Janine Gutierrez na ilang beses din siyang na-reject para sa ilang roles sa teleserye kabilang na ang pinangarap noong karakter ni “Amihan” sa hit Kapuso fantaserye na “Encantadia.”

Ito ang testimonya ni Janine sa panayam sa kaniya ni Karen Davila sa isang YouTube vlog, Huwebes.

“Pinagdaanan ko po talaga ‘yun. ‘Yung rejection naman kasi, hindi mo naman kasi talaga maiiwasan ‘yun sa pag-aartista. Parang hand-in-hand ‘yun sa success. Pero when I was starting talaga, there were years na wala akong trabaho, wala akong teleserye. Hindi ko rin alam ang gagawin,” pagbabahagi ni Janine.

“May time din na inisip ko baka nagkamali ako na nag-artista ako. Baka dapat mag-foreign service na lang ako, magtrabaho na ako,” dagdag niya.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Kung hindi naging artista, pinangarap ni Janine noon ang maging isang foreign ambassador.

“‘Yung unang lead ko na teleserye ko nun akala ko sa akin na tapos nakita ko na lang ‘yung commercial na ibang babae na, hindi ako natawagan,” pagpapatuloy ng aktres sa naranasang kabiguan sa showbiz.

Dito sunod niyang ibinahagi na isa siya sa maraming Kapuso stars noon na nag-audition para sa karakter ni “Amihan” sa Encantadia remake noong 2016.

“Meron talaga akong pinapangarap na role before. ‘Yung ‘Encantadia.’ lahat kami nag-audition dun tapos I made the shortlist para sa ‘Amihan’ na character which was played by Iza before. Akala ko sa’kin na pero I guess you know last minute, ‘di naman maiwasan na may mga changes later ‘pag ganyan. Iba na ‘yung pinili,” saad ni Janine.

Matatandaang si Kylie Padilla ang opisyal na gumanap sa pagbabalik ng sikat na fantaserye sa telebisyon matapos ang 11 taon.

Gayuunpaman, matapos ang ilang taon, isang “Amihan” na karakter pa rin ang ginampanan ni Janine sa pelikulang “Ngayon Kaya” kasama si Paolo Avelino.

“So may belief din ako Miss Karen na if it’s not for you, ibig sabihin lang merong iba pang nakalaan para sa’yo,” paniniwala ng aktres.

Bago naging Kapamilya, si Janine ay unang nakilala sa GMA sa mga proyektong “More Than Words,” “Legally Blind,” “Victor Magtanggol,” at “Dragon Lady.”

Ang aktres ang panganay na anak ng mga aktor na sina Ramon Christopher Gutierrez at Lotlot de Leon.