Patuloy na makararanas ng pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Biyernes, Enero 27, dahil sa northeast monsoon o “amihan” at shear line.
Sa pinakabagong ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), makararanas ng panaka-nakang pag-ulan ang mga lugar sa Eastern Visayas, Aklan, Capiz, Albay, Masbate, Sorsogon, Catanduanes, Palawan, and Romblon, dahil sa shear line.
Uulanin din ang Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, sa lahat ng bahagi ng Bicol Region, Aurora, Quezon, Oriental Mindoro, at Marinduque dahil naman sa northeast monsoon.
Ayon sa PAGASA, maaaring magkaroon ng pagbaha o pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar dahil sa mararanasang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.
Samantala, maulap na kalangitan na may pag-ambon naman ang mararanasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dahil din sa northeast monsoon, habang magkakaroon ng panaka-nakang pag-ulan sa mga natitirang lugar sa bansa dahil sa localized thunderstorms.