CAUAYAN CITY, Isabela -- Inaresto ng Philippine National Police-Regional Anti-Cybercrime Unit 2 ang dalawang lalaki dahil sa umano'y pambibiktima sa isang babae ng P370,000 sa pamamagitan ng online banking.
Kinilala ang mga suspek na sina Julierey Palencia, 34; at Oliver San Diego, 41.
Ayon sa pulisya, na-access ng mga suspek ang online banking ng biktima dahilan upang mawalan ito ng P370,000.
Sa rekord ng PNP-RACU 2, si Palencia ay No. 1 most wanted person sa regional level habang si San Diego naman ay pangalawa sa MWP sa regional level.
Inaresto ang mga suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Reymundo L. Aumentado, presiding judge, Second Judicial Region, Regional Trial Court Branch 20, Cauayan City, Isabela na may petsang Enero 22, 2022.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 9 (s), Republic Act 8484 ang mga suspek, "An act regulating the issuance and use of access devices, prohibiting fraudulent acts committed relative thereto, providing penalties and for other purposes, as amended in relation to Section 6 of RA 10175, An act defining cybercrime, providing for the prevention, investigation, suppression and the imposition of penalties therefor and for other purposes."
Gayunman, may P140,000 inirerekomendang piyansa ang korte para sa mga suspek. Nakapagpiyansa na si Palencia habang hinihintay ang resolusyon ng korte hinggil sa kaso at si San Diego naman ay nasa kustodiya ng Cauayan City Police Station.