“Dakal kasakitan” o puno ng paghihirap. Dito inilarawan ni Dexter Santos Valenton ang kaniyang naging paglalakbay patungo sa pagiging unang Aeta na nakapasa sa Criminology board exam.

Sa eksklusibong panayam ng Balita Online, ibinahagi ni Valenton, 23-anyos mula sa Barangay San Ramon, Floridablanca, Pampanga, na parehong magsasaka ang mga magulang niya at panglima siya sa siyam na magkakapatid.

Dahil sa hirap ng kanilang buhay, may mga pagkakataong hindi sila nakakakain tatlong beses sa isang araw. Bukod pa rito, sari-saring diskriminasyon din daw ang natanggap niya mula sa ibang tao dahil sa siya ay isang Aeta at iba ang kulay nila sa karamihan. Ngunit hindi niya hinayaang maging hadlang ang mga ito para siya ay magtagumpay.

“Dahil doon, mas na motivate ako sa buhay na abutin ko ‘yung mga pangarap ko,” aniya.

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

Bata pa lamang daw ay pangarap na ni Valenton na maging isang pulis at mas nagpursigi pa siyang abutin ito para itayo ang pangalan ng kanilang komunidad.

“Wala po akong nakikita na Aeta na pulis kaya nag-pursue po talaga ako na makatapos,” saad niya.

Makapag-aral lamang ay araw-araw na naglalakad ng ilang oras si Valenton para makapasok sa paaralan. Tyinaga niya ito mula elementarya hanggang makapagtagpos ng sekondarya.

Para makatungtong naman sa kolehiyo at matupad ang pangarap na maging pulis, nag-apply siVelenton sa scholarship program ng lokal na pamahalaan sa Pampanga.

Nakapagtapos siya ng Bachelor of Science in Criminology sa Central Luzon College of Science and Technology noong Hulyo 2022. Tinulungan din daw siya ng kanilang gobernador sa mga pangangailangan niya sa pagre-review sa board exam, tulad ng mauupahang panuluyan.

“Sobrang thankful po ako unang una kay God sa family ko at sa lahat ng tumulong at sumuporta sa'kin para maabot ko 'yung goal ko sa buhay,” ani Valenton. “Unti-unti na rin kami ngayong makikilala hindi lang dito samin kundi sa iba pang lugar na kaya rin naming mag-excel.”

Kinumpirma ni Provincial Social Welfare and Development Officer Elizabeth Baybayan na si Valenton ang unang Aeta na pumasa sa board exam para sa mga kumuha ng kursong BS Criminology.

Isa si Valenton sa 11,098 na nakapasa sa board exam na inanunsyo ng Professional Regulation Commission nitong Enero 2023. Nasa 33,489 umano ang kumuha ng exam sa naturang kurso.