Magandang balita para sa mga fur parents dahil simula sa Pebrero 1 ay maaari na nilang isakay sa mga tren ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ang kanilang mga maliliit na alagang hayop.
Mismong si Light Rail Transit Authority (LRTA) administrator Hernando Cabrera ang nag-anunsiyo ng magandang balita nitong Huwebes sa isang pulong balitaan.
Ayon kay Cabrera, layunin nitong gawing ‘pet-friendly’ ang naturang rail line.
“Beginning Feb. 1, pwede nang magdala at magsakay ng ating mga pets sa mga station at tren ng LRT-2,” aniya pa.
Gayunman, magpapatupad aniya sila ng ilang mga panuntunan bago payagang makapasok ng istasyon at makasakay ng tren ang mga alagang hayop.
Una, kailangan aniyang fully vaccinated ang mga alagang hayop laban sa rabies, nakalagay sa kulungan o carrier at nakasuot ng diapers.
"Kailangan malinis... 'yung usual na mga alituntunin, pinapatupad ng mga pet-friendly na establishment, ganoon din 'yung policy namin na i-implement," aniya pa.
"'Yung policy na pinapaikot namin ngayon dapat naka-cage [ang alaga]. Kapag nakatali maaaring magkaroon tayo ng operational problem niyan sa loob ng tren o sa istasyon," aniya pa.
Tanging maliit na alagang hayop lamang naman anila ang papayagang maisakay sa tren at dini-discourage ang malalaking alaga dahil sobrang crowded o siksikan ang mga tren, lalo na kung rush hours.
"Kapag malalaki na, mahihirapan naman nang ipasok sa tren. Siksikan kung minsan sa tren," aniya pa.
Ani Cabrera, maglalabas pa ang LRTA ng mga karagdagang guidelines hinggil sa polisiya sa mga susunod na araw, bago ang implementasyon nito.
“Ang objective lang naman natin dito si gawing pet-friendly ang ating sistema,” aniya pa.
Ang LRT-2 ay bumibiyahe mula Claro M. Recto Avenue sa Maynila hanggang sa Antipolo City.