Puro magaganda at positibong feedback at komento ang natatanggap ngayon nina Janine Gutierrez at bagong Kapamilyang si Jennica Garcia dahil sa kanilang mahusay na pagganap sa bagong ereng teleseryeng "Dirty Linen" ng Dreamscape Entertainment, isa sa mga production unit ng ABS-CBN.
Tatlong episodes pa lamang ang umeere subalit nakuha na ng Dirty Linen ang atensyon ng mga manonood dahil sa maganda at kakaibang cinematography, musical scoring, at aktingan ng cast, lalo't kasama rito ang mga de-kalibre at mahuhusay na batikang aktor at aktres gaya nina John Arcilla, Janice De Belen, Epy Quizon, Angel Aquino, Joel Torre, at Tessie Tomas.
May cameo role din si Dolly De Leon na kinikilala ngayon sa ibang bansa dahil sa kaniyang markadong pagganap sa Hollywood movie na "Triangle of Sadness."
Anyway, puring-puri ang mga netizen kina Janine at Jennica dahil mata pa lamang daw nila ay umaarte na.
Panggulat daw si Jennica dahil matapos ang halos pitong taong pamamahinga sa showbiz, pasabog daw ang kaniyang comeback at unang teleserye pa sa ABS-CBN.
Napupuri din ang mga magulang nina Janine at Jennica na sina Lotlot De Leon at Jean Garcia dahil kitang-kita raw sa mga anak kung kanino sila nagmana.
Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng mga netizen:
"Dirty Linen deserves to be shown on Netflix. The cinematography ang ganda. The powerful ensemble casts were all great in their roles even the special participation casts especially Dolly De Leon. The eyes of @janinegutierrez are already acting without her saying anything."
"Janine's eyes were full of vengeance. Maganda 'tong show na ito. Lahat magaling. May kurot, may galit, may social relevance and pilot episode pa lang marami na pasabog."
"Yung transition ni Jennica Garcia from shocked to evil smile, ang smooth. Why is the industry sleeping on her. Tama yung nagmessage siya sa isa sa mga ABS-CBN bosses for a role and she didn’t disappoint. So far, galing niya. More projects pa for her."
"Saan mo natutuhan yung mata-mata school of acting na 'yan, Janine? Nakakatakot ang facial expressions mo grabe."
"Nagulat ako kay Jennica Garcia. Yung mata mata acting ni acla!"
Mas lalo pang hinangaan si Jennica matapos niyang aminin sa naganap na media conference na siya mismo ang nagpadala ng mensahe kay Deo Endrinal, head ng Dreamscape, para mapasama sa cast ng serye. Kailangan niya aniya ng trabaho dahil siya mismo ang bumubuhay sa kanilang dalawang anak ng ex-partner na si Alwyn Uytingco.
In fairness din, apat na araw nang trending ang Dirty Linen at pulos magaganda ang mga nasasabi ng viewers dito (kagaya sa Maria Clara at Ibarra ng GMA Network). Sana nga ay magtuloy-tuloy ito!