Patuloy na magdadala ng pag-ulan ang low pressure area (LPA) sa malaking bahagi ng bansa nitong Huwebes, Enero 26.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), namataan ito sa layong 40-kilometro ng hilagang-silangan ng Hinatuan, Surigao Del Sur.

Sa tala rin kaninang 10:00 ng umaga, maliit ang tiyansang maging tropical depression ang nasabing LPA sa susunod na 48 oras.

Gayunpaman, ang pinagsamang LPA at shear line ay magbibigay ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Eastern Visayas at Caraga.

Samantala, mahina hanggang katamtaman na pag-ulan ang mararanasan sa Albay, Sorsogon, Masbate at natitirang parte ng Visayas at Mindanao.

“Under these conditions, flooding and rain-induced landslides are possible, especially in areas that are highly or very highly susceptible to these hazards as identified in hazard maps and in areas with significant antecedent rainfall,” anang PAGASA.

Pinapayuhan din ng weather bureau ang publiko at mga kinauukulan na gawin ang bawat hakbang na kinakailangan upang makapag-ingat sa mga nasabing posibleng maging dala ng LPA.