Inihain ni Senador Raffy Tulfo ang Senate Bill No. 1695 o ang “Free Funeral Services Act” nitong Huwebes, na naglalayong bigyan ng libreng funeral services ang mahihirap na pamilya sa bansa.
Ayon kay Tulfo, kahit mayroon nang burial assistance program ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagkakaloob ng ₱10,000 halaga ng mga benepisyo, kinakailangan pa rin daw gawing institusyonal ang programa.
“This bill seeks to institutionalize a provision of burial assistance that offers free funeral services to the extremely poor nationwide,” ani Tulfo sa kaniyang explanatory note.
Makikinabang sa panukalang batas ang mga pamilya na may pinagsamang kabuuang kita na hindi tataas sa ₱15,000 kada buwan, at walang real property o kaya naman ay sasakyan.
Ang sinumang pamilyang kwalipikado at nais makakuha ng free funeral services ay kinakailangang magpasa ng kopya ng kanilang certificate of indigency na ipagkakaloob ng barangay o local social welfare office ng kanilang lokal na pamahalaan.
Makakukuha naman ng reimbursement ang puneraryang magkakaloob ng libreng serbisyo sa kahit saang regional office ng DSWD sa pamamagitan ng pag-apruba ng regional director nito.
“This benefit shall include the preparation of funeral documents, embalming, viewing, burial or cremation,” ani Tulfo. “Moreover, accredited mortuaries shall provide a casket or urn.”
Napapaloob din sa panukalang batas na ang DSWD ang siyang mangunguna sa pagpapatupad ng mga probisyon at sa pakikipag-ugnayan sa funeral services ng mga punerarya sa bansa.